Tuesday, October 3, 2017



Simbahan, Ang Sentro ng Mauban
Isinulat nina Kim Jhesler Aguelo at Girlie Maningas

          Mga relihiyoso ang karamihan sa mga tao na naninirahan sa bayan ng Mauban, kaya hindi maikakaila na ang Simbahan ang sentro ng bayan. Ito ay isang matandang simbahan na nananatiling nakatayo sa Mauban. Dinarayo ang simbahan dahil sa pagiging matandang simbahan nito ay sumasabay rin ito sa takbo nang panahon at nagiging moderno. Kapag mapapadaan ka, sakay ka man o lakad, makiki tang aagaw pansin agad ang isang dambana o estatwa ni hesukristo sa harap ng simbahan, may nakapalibot na apat na poste naman na nagsisilbing ilaw nito kapag gabi. 

 Ang simbahan ay matatagpuan sa harap ng munisipyo nang bayan, kaya naman siguro pinagpapala ang bayang mauban ay dahil sa pagkakaroon ng presensyang ispiritwal at pananalig sa poong maykapal ng bawat mamamayan ng bayang Mauban. Tuwing linggo naman ay maririnig mo tuwing umaga ang tunog at kalampag nang kampana na wari'y nangangakit sa pagsimba, kaya naman hindi nakakapagtaka na tuwing linggo ay napakarami ang nagsisimba, maging isang buong pamilya, maging isang grupo ng magkakaibigan, o maging isang tao man na may personal na pinagdadaanan o pinasasalamatan ay naroroon at makikita mong nananalanging mataimtim para sa pasasalamat o pananalangin sa diyos na may lalang. 

 Kapag naman sumapit ang gabi, mapaanong araw man, lunes hanggang linggo ay makikita at lalo mong magugustuhan ang simbahan dahil sa mga ilaw na nagpapaningning sa bawat daanan at sulok nito, asul na ilaw, mapadilaw at iba pang kulay nang ilaw ay matatagpuan, kaya naman habang pinakikiramdaman at ninanamnam ang kasarapan ng simoy nang hangin sa gabi habang nakaupo sa isang tabi sa labas ng simbahan ay masarap kumain ng balot o kaya naman penoy, maging chicharon ay hindi mo makakalimutan lalo na kapag may kasama kang mga kaibigan. Sagrado ang simbahan para sa mga maubanin, itinuturing nila itong yaman gaya nang iba pang ipinagmamalaking tanawin at tourists spots ng mauban. Durung ganda sa Mauban! Pero bago ang lahat, daanan mo muna ang simbahan pag papunta ka, dumaan ka rin sana pag paalis na kapag ikaw ay isang turista o talagang taga roon, iyon ay para sa maganda at ligtas na paglalakbay. Mabuhay!